Pinalalawak at pinalalakas na ng Senado ang panukala laban sa smuggling ng mga produktong pang-agrikultura sa Pilipinas matapos ang naging deklarasyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga smugglers sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, tiyak nang maaprubahan sa Senado ang pagpapalawak sa saklaw ng Anti-Agricultural Smuggling Law laban sa mga smugglers at kasabwat nito.
Dagdag pa ng senador, marapat lang na palakasin ang nasabing batas upang matulungan ang mga magsasakang naapektuhan nito.
Samantala, ayon kay Senate Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar, binabalangkas na nila ang pag-amyenda sa nasabing panukala at maging ang pagbuo ng special court na tutulong sa pagpapabilis ng paglilitis sa mga smuggling cases.
Kung maalala, sa ilalim ng panukalang ito ay ituturing ng krimen o economic sabotage ang hoarding, profiteering, at cartel o pag-iipit at pagkontrol sa mga inaangkat na produktong pang-agrikultura.
Kakasuhan naman din ng economic sabotage ang sinumang government officials na mapapatunayang nagpapalusot ng nasabing illegal na transaksyon.
#