SORSOGON CITY—Pangalawa ang lalawigan ng Sorsogon sa buong Bicol region pagdating sa bilang ng mga fully vaccinated individuals laban sa COVID-19.
Base sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) Bicol kahapon, umaabot na sa 369,450 individuals ang mga fully vaccinated sa lalawigan o katumbas ng 67.28% ng target na 549,099 na mga dapat mabakunahan.
Makikita sa datus na bagamat pangalawa sa buong Bicol ay kapos pa rin ang bilang ng mga bakunado sa Sorsogon kung pagbabatayan ang 80% target population para makamit ang herd immunity.
Nangunguna sa mga probinsya ang lalawigan ng Catanduanes na mayroon nang 85.91% na mga fully vaccinated individuals, pangatlo ang Camarines Sur na may 66.97%, pang-apat ang Albay na may 66.83%, panlima ang Camarines Norte na may 61.55% at pang-anim ang Masbate na may 55.63% na fully vaccinated population.
Samantala, pangatlo naman ang Sorsogon City sa lahat ng mga key cities sa Bicol pagdating sa vaccination rate.
Sa datus ay mayroon na itong 79.86% vaccination rate o 117,972 individuals mula sa 147,731 na target para makamit ang herd immunity o 80% ng target population. Nangunguna rito ang Legazpi City na may 96.73% at pangalawa naman ang Naga City na may 82.79% vaccination rate.
Mababatid na sa ngayon ay patuloy ang vaccination drive ng DOH at mga local health authorities para mapataas ang vaccination rate sa mga lalawigan lalo pa at nakitaan ng 161% increase ang mga kaso ng COVID-19 sa dalawang linggong nagdaan.###
