SORSOGON CITY—Inaasahang matatapos ngayong taon ang tinaguriang Albay-Sorsogon Connector road o ang kalsadang magdurugtong sa Bacon District, Sorsogon City sa bayan ng Manito, lalawigan ng Albay.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol Regional Director Virgilio Eduarte, target nilang tapusin ang proyekto bago matapos ang taong kasalukuyan na inaasahang magiging malaking tulong sa maraming mga byahero sa dalawang probinsya.
Ang P2.21 billion na halaga ng proyektong pakalsada na napondohan sa Fiscal year 2013 to 2022 sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ay may habang 15.87 kilometers at mayroong anim na tulay.
Oras na matapos ay inaasahang mababawasan nito ang travel time ng isang oras papunta at pabalik sa magkatabing probinsya at magbebenepisyo sa tinatayang nasa 5,000 byahero kada araw.
Samantala, humiling na ng karagdagang P500 million na pondo ang DPWH Bicol para sa final stage completion ng proyekto kabilang ang paglalagay ng active at passive slope protection system, metal beam guardrails at pagpapatuloy ng concreting works sa ilan pang bahagi ng proyektong kalsada.###
