Hindi mapipigilan ng manifesto ng Senado ang ikinakasang People’s Initiative na magsusulong ng pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Ito ang tugon ni Albay Second District Representative Joey Salceda matapos ilabas ng Mataas na Kapulungan ang pirmadong manifesto na kumukondena at tumututol sa People’s Initiative.
Sa isang panayam, sinabi ni Salceda na hindi dapat katakutan ng mga senador ang taumbayan at sa halip ay pakinggan ang kanilang opinyon kaugnay sa pag-amiyenda sa 1987 Constitution.
Kung talagang magaling aniya ang dalawampu’t apat na senador at nagkakaisa ay kaya nilang kumbinsihin ang mamamayan na bumoto kontra Cha-Cha.
Nagtataka rin ang kongresista kung bakit hinaharang ng mga senador ang opinyon ng publiko sa halip na himukin ang mga ito na bumoto ng “no”.
Sa kabila ng hakbang ng Senado, tiwala pa rin si Salceda na maaabot ang 3 percent sa bawat distrito at 12 percent ng mga rehistradong botante.
Samantala, nanindigan naman si Salceda na walang katotohanan ang alegasyon ng panunuhol sa pangangalap ng pirma sabay giit na napakababa ng tingin nila sa mga tao kung paniniwalaan na binabayaran ang mga ito para suportahan ang Cha-Cha.