Solante sa publiko – ‘wag magpakakampante vs COVID-19’

Mas lalong hindi dapat magpaka-kampante ang publiko kaugnay sa COVID-19.

Ito ang iginiit ni Dr. Rontgene Solante, isang infectious disease expert kasunod na rin ng pahayag ng World Health Organization (WHO) na malapit nang matapos ang pandemya.

Ayon kay Dr. Solante, mababa na ang kaso ng COVID-19 sa maraming lugar sa bansa, maliban na lamang sa mga highly populated areas o mga matataong lugar kagaya sa National Capital Region (NCR).

Mababa na rin aniya ang hospital utilization rate sa bansa.

Gayunman, sinabi ng eksperto, mas dapat daw maging maingat ang mga tao at sumunod pa rin sa mga health protocols para tuluyan nang matapos ang pandemya.


Iminungkahi rin nito na mabago ang kahulugan ng fully vaccinated laban sa COVID-19.

Aniya, hindi maaaring umasa ang bansa sa herd immunity dahil bumababa ang bisa ng bakuna at magbabago ang variants of concern kaya dapat lahat mabakunahan at mabigyan ng booster.

Sinabi ni Solante na hindi dapat maging kampante sa primary doses para masabing fully vaccinated at para maging ganap na bakunado ang isang tao, dapat ay nakakuha ito ng booster shot.

Nilinaw ni Solante na dapat ding dalawang booster shot ang makuha ng vulnerable population at mga healthcare workers.

Ayon pa kay Solante, kung dati ay masasabing mataas na ang proteksyon ng isang bakunado, bumaba naman ang bisa nito nang dumating ang mga bagong variants ng COVID-19.

Samantala, binigyang diin ni Solante na dapat ay magabayan ng World Health Organization ang Department of Health hinggil sa kung kailan masasabing tapos na ang pandemya.
#