Hindi umano magreresulta sa paghina ng ekonomiya ng bansa ang nangyaring pagsadsad ng piso kontra dolyar.
Sa katunayan, sinabi ni Dr. Victor Abola, Professor at Director ng Strategic Business Economics Program ng University of Asia and the Pacific na pitumpong porsyento ng bansa ang makikinabang sa paghina ng piso.
Ipinaliwanag niya na iba ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa na kapag humina ang halaga ng kanilang currency ay bumabagsak din ang kanilang ekonomiya.
Sinabi pa ni Abola na hindi rin gaanong makakaapekto sa presyo ng mga bilihin sa bansa ang lalo pang pagsadsad ng halaga ng piso kontra dolyar.
Aniya, 0.6 percent lamang ang itinataas ng inflation dahil sa pagsadsad sa halaga ng piso.
Sa pagtaya pa ng ekonomista, makababawi ang piso kontra dolyar sa kalagitnaan ng Oktubre dahil sa pagpasok naman ng mga padala o remittance ng mga OFW.
#
