KORONADAL CITY- NAKUMPLETO at naisumite na ng provincial government ng South Cotabato ang lahat ng mga dokumento at rekisitos sa Department of Health o DOH para sa License to Operate (LTO) ng Dialysis Treatment Center ng lalawigan.
Ayon kay Dr. Conrado Braña, chief ng South Cotabato Provincial Hospital (SCPH) na hinihintay na lamang nila na ma-isyuhan ito ng lisensiya ng DOH upang makapagsimula na ng operasyon.
Inihayag ni Braña na handa na ang mga dialysis machines at nakahire na rin ang mga ito ng mga empleyado para sa naturang pasilidad.
Napag-alaman na naglaan ang provincial government ng P 1.3 million para sa construction ng dialysis center building sa compound ng provincial hospital at P 10 million sa pagbili ng 10 mga dialysis machines at iba pang equipo.
Maliban sa libreng dialysis treatment, inaasahan na sa lalong madaling panahon mapapakinabangan na rin ng mga mamamayan ang CT scan at 2D echo sa provincial hospital.
Ayon kay Braña, naka-install na ang CT scan at 2D echo at naisailalim na rin sa paunang training ang mga personnel na mag-ooperate nito.
Ngayong linggo, inaasahan ang pagdating ng team mula sa Food and Drugs Administration o FDA upang magsagawa ng evaluation sa naturang mga machines.
