KORONADAL CITY — I-AAPELA ni Barangay Kagawad Dexter Donasco ng Barangay San Vicente, Banga, South Cotabato ang dalawang buwan na suspensyon na ipinataw sa kanya ng Quasi-Judicial Body ng Sangguniang Bayan ng Banga dahil sa umano’y paglabag nito sa Republic Act 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees” at Local Government Code of 1991 dahil sa pagiging miyembro umano nito ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Donasco, sinabi nito na ia-apela nito sa Sangguniang Panlalawigan o SP ng South Cotabato ang desisyon sa pag-asang babaliktarin nito ang naging desisyon ng SB-Banga
Ang nasabing reklamo ay isinampa ni mismong Punong Barangay Elpedio Patarata ng nasabing bayan matapos napatuloy umano itong tumatanggap ng 4Ps benefits sa kabila ng honorarium nito na P11,000 kada buwan bilang kagawad.
Nilinaw naman ni Donasco na noong nanalo ito noong 2013, siya mismo ang lumapit sa DSWD upang ipatanggal ang kanyang pangalan dahil sa takot na itoy makasuhan.
Ngunit ipinaliwanag umano sa kanya na para sa pag-aaral ng mga anak nito ang benepisyong nakukuha sa 4Ps bilang isang grant at pinasigurong hindi ito makakasuhan.
Taong 2016 nang ipina-alam umano sa kanya ng DSWD na aalisin na ang kanyang pangalan sa 4Ps ngunit nananatili itong miyembro hanggang 2018 dahil ang mga tinananggal lamang noong panahon na iyon ay ang mga may anak na lampas 18-anyos na.
Itinanggi naman nito ang pahayag ni Patarata na dalawang beses itong pinuntahan ng DSWD upang alisin ang kanyang pangalan sa listahan ng 4Ps.
Naniniwala ito na pulitika ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso sa kanyang ng kapitan lalo pa’t may plano itong tumakbo sa pagka-kapitan sa darating na eleksyon.
