Handang makipagtulungan ang Simbahang Katolika sa gobyerno para tulungan ang mga Pilipinong uuwe mula sa Sudan.
Sinabi ni Bishop Ruperto Santos ng Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People, may mga programa at plano aniya ang mga dioceses na magbigay ng pag-asa, healing at tulong sa mga Pilipinong mare-repatriate.

Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala si Bishop Santos tungkol sa kapakanan ng mga Pilipinong naninirahan sa Sudan, na kinubkob ng mga armadong sagupaan sa pagitan ng dalawang puwersa ng militar doon, ang Sudanese Armed Forces at Paramilitary Rapid Support Forces.
Nasa napakahirap at delikadong sitwasyon aniya ang mga Pilipino na nais nang makauwe ng bansa at nanawagan sa migrants’ chaplains na mag-alay ng misa para sa kaligtasan at kapayapaan sa naturang bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, aabot sa 700 na mga Pilipino ang naninirahan sa Sudan ngunit humigit-kumulang 300 Pilipino lamang ang humiling ng repatriation.//CA