CAMARINES NORTE – Inanunsiyo kahapon ni Bishop Rex Andrew Alarcon na hindi magsasagawa ng tradisyunal na prusisyon sa Semana Santa ang mga simbahan sa Diocese ng Daet.
Ito ay sa kabila ng ilang pagluluwag na ipinatupad ng gobyerno dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Alarcon wala munang prusisyon sa ngayon dahil mayroon pang mga sinusunod na health protocols.
Ito na ang ikatlong taon na walang prusisyon sa semana santa dahil sa pandemya.
Sa tradisyun ng mga katoliko lalo na sa Pilipinas ay mayroong prusisyon ng pagpapakasakit ni Hesus kapag Miyerkules Santo, Daan ng Krus at prusisyon ng paglilibing kapag Biyernes Santo at ang Salubong sa madaling araw ng Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na guidelines para sa Semana Santa ang Diocese of Daet.
Noong Pebrero bago mag Ash Wednesday ay nagpalabas ng liturgical guidelines ang Episcopal Commission on Liturgy ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP.
Kung maalala ay una nang sinabi noon ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na kung siya ang tatanungin ay wala namang problema sa pagsasagawa ng prusisyon basta masigurong nasusunod ang health protocols tulad ng social distancing at pagsusuot ng face mask.
