CAMARINES NORTE- Hinimok ng simbahang katoliko ang mga mananampalataya na magkaroon ng Belen sa kanilang tahanan at mapagyaman pang lalo ang tradisyong ito.
Para mahikayat ang mga tao na gawin ito ay binasbasan ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon ang Belen sa Holy Trinity Cathedral noong Linggo sa ikatlong Linggo ng Adbiyento na tinatawag ding Gaudete Sunday.
Maliban sa malaking belen sa altar ay mayroon ding mga maliliit na belen na dala ang ilang dumalo sa misa.
Maliban sa pagsasabit ng Parol, tradisyon na rin ang paglalagay ng Belen sa mga tahanan.
Ito ay tila isang tableau na nagpapakita ng eksena ng kapanganakan ni Hesus, katabi ang amang si San Jose at inang Birheng Maria
Ang Belen ay karaniwan nang makikita sa sa mga bahay, simbahan, at eskwelahan o kahit sa mga opisina
Sa pamamagitan nito ay naaalala ng mga Pilipino ang pagkukumbaba at pagiging simple tulad ng kapanganakan ng Panginoong Hesukristo.
Sa kaniyang homily hinimok ni Bishop Alarcon ang lahat na humanap at gumawa ng paraan para ipakita ang pagmamahal, paglingap at pag abot sa kapwa at maging instrumento ng kabutihan.
