CAMARINES NORTE- Hinimok ng simbahang katolika ang mga mananampalataya na talikdan na ang pagma “Marites” at iba pang masasamang gawain hindi lang ngayong Semana Santa kundi sa pang araw- araw na buhay.
Ang salitang “Marites” na nauuso ngayon ay ang pinagsamang salita na “Mars ano ang latest” na pinapatungkol sa mga taong mahilig mag- tsismis.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Bishop Rex Andrew Alarcon hinimok nito ang lahat na pagnilayan ang mga sa mga salita at sakripisyo ni Jesus lalo na ngayong mga mahal na araw.
Aniya hindi kailangang saktan ang sarili sa pamamagitan ng pagsugat sa katawan at paghagupit dito kundi higit na makabuluhan na gawin at isabuhay ang corporal at spiritual works of mercy.
“Kahit naman hindi natin pahirapan ang ating sarili marami tayong krus na dinadala di ba, kung minsan mas mabibigat pa nga yun eh, ani Alarcon.
Ilan lang umano sa maaring gawin ngayong semana santa ay ang pagtuturo at pagbabahagi ng karanasan patungkol sa pananampalataya, pagbibigay ng payo sa mga nagugulumihanan at nawawalan ng pag- asa, mabubuting pananalita at gawa tulad ng pagtulong sa kapwa at marami pang iba.
“Ano ang sakripisyo, pag aayuno sa pagmamaritess, pag aayuno sa paninira ng iba, paghuhusga di ba, pagpipigil ng bibig.”
Sa katunayan kahit ang simpleng pagwawalis at paglilinis ng kapaligiran ay munting sakripisyo na maaring gawin ngayong semana santa gayundin ang pagbabayad ng utang.
Nilinaw naman ng Obispo na hindi hinuhusgahan ng simbahan ang mga nagpi-penetensya na ang paraan ay sugatan at hagupitin ang sarili,
Pero sana daw ay mag- ingat sa posibleng kalabisan na dulot nito na baka nagiging entertainment na lang sa iba at kung minsan naman ay tourist attraction na lang.
Ang higit umanong mahalaga ay ang pagbabago ng puso kaysa sa mga panlabas na gawain.
“Ginagalang natin yan as personal devotion but we treat them as personal devotion ibig sabihin nasa sa kanila yan ano, we don’t make judgment. Parang tradition and culture natin so as personal devotion hindi namin ini- encourage yun, pagpalo, pagsasakit sa sarili hindi namin ini -encourage yun, nasa tao yun, ang sinasabi natin at palagi nating itinuturo na na beyond physical, yung pagkakita ng ng ano eh yung sabi sa salmo mas nais ng Diyos yung pagbabago ng puso at sinasabi naman natin na mag ingat sa kalabisan no, na maging parang entertainment lang and for other reasons na hindi na tuloy pagpenetensiya.”
