LEGAZPI CITY—Idinaos kahapon sa Albay Astrodome ang mass golden renewal of vows o ang ika 50 anibersaryo ng pagsasama ng mga mag-asawang Albayanong mga Lolo at Lola na.
Dinaluhan ito ng iba’t-ibang Local Chief Executives, mga kinatawan ng LGU, Board Members, Vice Governor, Gobernador ng Albay at iba pang opisyal ng gobyerno bilang bahagi ng pagtatapos ng National Family week ngayong buwan ng Setyembre.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kina Stevan Banzuela at Josefina Banzuela mula sa bayan ng Malinao at maging nina Reynaldo Nierva at Merly Nierva ng Camalig, sinabi ng mga ito na ilan sa mga sikreto ng kanilang pangmatagalang pagsasama upang maabot ang Golden Year Anniversary ay ang tapat na pagmamahalan, pag-uunawaan at pagbibigayan.
Ayon sa mga ito, ni minsan ay hindi nila nagawa ang magloko sa kanilang asawa.
Marami na rin umano silang mga pinagdaanan na mga problema ngunit nangibabaw pa rin ang matatag na pagsasama.
Sinabi pa ng mga ito na hindi pandemya ang makakapaghiwalay sa kanila kundi ang paglisan lamang o pagkawala sa mundo ang maaaring tumapos sa kanilang pagmamahalan.
Pero sakaling dumating na ang panahong ito ay dadalhin pa rin ng bawat isa sa kanila ang mga alaala ng pagmamahalan na mananatili sa kanilang puso’t-isipan.
Ayon naman sa pari na nanguna sa Banal na Misa, kauna-unahan ang ganitong aktibidad na naisagawa sa kasaysayan sa gitna ng pandemya kung saan memorable umano ito sa lalawigan na tinawag pa nitong COVID Golden Wedding Anniversary na mag pakahulugang C-cause O-our V-vow I-Is D-Divine.#