Tinuldukan na ang hindi pagkakaunwaan ng dalawang myembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa pamamagitan ng Peace, Security and Reconciliation Office ng Office of the Chief Minister – BARMM.
Sinabi ni PSRO Executive Director Anwar Alamada na inabot din ng mahigit walong buwan ang hindi pagkakaunawaan nina Theng Mamo at Basco Sali kung saan dalawang buhay ang nawala dahil sa labanan ng mga ito sa bayan ng Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Inamin ni Alamada na mahabang proseso ang kanilang ginawa para lamang mapag-ayos sina Theng Mamo at Basco Sali kasama ng kanilang mga tagasunod.
Umaasa ang opisyal na sa pamamagitan ng nasabing dispute resolution ay hindi na mauungkat pa ang nagdaang sigalot ng mga ito kung saan maluwag sa kalooban ng dalawang panig ang paghaharap nila kahapon sa headquarters ng PSRO sa Cotabato City.