Sibilyan, sugatan sa engkwentro ng NPA at militar sa Rosario, Batangas

Isang sibilyan ang nadamay sa engkwentro sa pagitan ng militar at mga miyembro ng New People’s Army o NPA sa bahagi ng Barangay Matamis, Rosario, Batangas.

Naganap ang engkwentro pasado alas-10:00 ng umaga noong Sabado kung saan tumagal ng halos 30 minuto.

Sa panayam ng Brigada Batangas sa ilang mga residente sa lugar, narinig ng mga ito ang palitan ng putok hanggang sa mga karatig barangay.

Takot ang idinulot nito sa mga residente sa lugar lalo na’t hindi ito ang unang beses na nangyari ito.

Samantala, sa kasagsagan ng engkwentro, isang binatilyo ang tinamaan ng ligaw na bala sa kanyang paa.

Agad naman itong naisugod sa pinakamalapit na ospital para sa paunang lunas.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsusuyod ng mga kasundaluhan sa kalapit na lugar ng pinangyarihan ng engkwentro upang tugisin ang mga nakawalang armadong terorista.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *