Shiela Guo – wala na ring ‘maalala’

Wala pa ring naisagot si Shiela Guo nang tanungin siya kung sinu-sino ang mga taong tumulong sa kanila na madaling makasibat ng Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa ilegal na POGO.

Sa Senate hearing, tinanong ni committee chair Senadora Risa Hontiveros si Shiela kung wala ba itong naaalalang mga taong tumulong sa kanila o mga escort para makalabas sila ng bansa patungong Batam, Indonesia.

Sinubukan ding ipaalaala ng mambabatas dito na baka raw may napansin siyang mga taong naka-uniporme na kasama nila sa biyahe.

Read More:  Sotto questions legality of flood control subcommittee

Sa lahat ng naging tanong ni Hontiveros hinggil dito – tanging ‘hindi ko po alam,’ at ‘wala po’ ang naging sagot ni Guo.

Naniniwala naman si Senador Joel Villanueva na hindi nagsasabi ng totoo si Shiela.

Ayon kay Villanueva, masasabi niyang hindi tapat si Shiela dahil ang laging sinasabi nito ay wala siyang alam buhat pa noong nagdaang hearing.

Hindi rin daw sila mapapaniwala na hindi man lang nagawang magtanong ni Guo nang sumakay ito sa van, sa maliit na bangka, at mas malaking bangka nang hindi man lang nagtatanong – bagay na sinabi niya noong nagdaang hearing tungkol sa paraan ng pagtakas nila sa bansa.

Read More:  NBI files ethics complaint against Kiko Barzaga

Nabanggit din umano kanina ni Guo ang tungkol sa kanilang farm sa Pangasinan, pero wala na itong naibigay na ibang detalye hinggil dito.

Maliban diyan, napagsabihan pa si Shiela ni Hontiveros matapos nitong bahagyang tumawa sa kalagitnaan ng pagdinig.

Ani Hontiveros, nagawa pa talagang tumawa ni Shiela sa harap ng posibilidad ng hanggang 500 taong pagkabilanggo sa sandaling ma-convict ito sa money laundering.

Sana aniya ay seryosohin ang hearing dahil nagbibigay ng oras ang Senado, constitutional bodies, at iba pang mga ahensya para imbestigasyon.

Samantala, ibinunyag din ng senadora na ang Sabah stamp sa pasaporte ni Guo ay peke.