KORONADAL CITY- INAASAHAN na sa buwan ng Agosto ay mabubuksan na ang Soccsksargen General Hospital bilang Level 1 Hospital na may 75 bed capacity.
Inihayag ni Dr. Ceril Borromeo, medicial center chief ng SGH na na-comply na ng mga ito ang lahat ng mga requirements para sa license to operate at Level 1 accreditation at kanila na umano itong ipoproseso pagkatapos na naturn-over na ang naturang ospital sa Department of Health o DOH.
Sa pagbubukas ng SGH bilang level 1 hospital, asahan aniya ng mga mamamayan ang mas pinaigting na health services dahil ito ay magkakaroon na ng out-patient department, operating room, delivery room, emergency room, laboratory, pharmacy, at XRay services.
Maaari na ring dalhin dito ang mga manganganak na ina at makakapagsagawa na rin ito ng operasyon.
Ayon kay Borromeo na target naman nito sa 2023 ang accreditation ng SGH bilang Level 2 hospital na mayroon ng Intensive Care Unit o ICU.
