Natanggap na ng mga hog raiser sa lunsod ng Cauayan ang mga sentinel pig mula sa Department of Agriculture Regional Field Office 2.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay City Veterinary Officer Dr. Ronald Dalauidao, ito ay bahagi pa rin ng repopulation program ng kagawaran para sa mga hog raiser na namatayan ng alagang baboy noong kasagsagan ng African Swine Fever o ASF.
Aniya, nasa 30 na farmers ang nabigyan ng biik mula sa West Tabacal Region at Tanap Region.
Tuloy-tuloy din aniya ang monitoring nila sa mga ito upang malaman ang kalagayan ng mga biik.
Nauna na ring naipamahagi sa mga magsasaka ang tatlong sakong feeds na libre mula sa DA.
Sinabi pa niya na oobserbahan ang mga ito sa loob ng 45 days pagkatapos ay kukuhanan ng sample at kung magnegatibo ay magbibigay pa ng karagdagang 2 biik ang kagawaran.
Ayon pa kay Dr. Dalauidao, natutuwa naman ang mga benepisaryo sa kanilang natanggap na biik kung saan ilan sa mga ito ay nakakuha ng babae at gagawin umanong inahin.
Umaasa naman si Dr. Dalauidao na magtatagumpay ang sentineling program sa lunsod na ito rin ang isa sa mga requirement para maideklerang ASF free na ang Cauayan City.