Patay ang isang senior high matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem na mga suspek sa Barangay Manay, Panabo City, Davao del Norte.
Ang biktima kinilala ng Panabo City Police Station na si Rhean Kevin Timtim, na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Napag-alaman na kasama ng biktima ang kanyang mga kaklase para bumili ng materyales para sa kanilang proyekto nang harangin sila ng mga suspek.
Una umanong kinuha ng mga ito ang kanilang cellphone, at hindi pa nakuntento, pinagbabaril pa si Rhean, na humantong sa kanyang pagkasawi.
Swerteng nakaligtas ang mga kasama ng biktima habang mabilis na tumakas ang mga suspek. Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya ang nasabing pangyayari.