Senior citizen na tumatawid sa kalsada, patay nang mabundol ng motorsiklo sa Tondo, Maynila

Sa ospital na binawian ng buhay ang isang lalaking senior citizen matapos mabundol ng isang motorsiklo sa Brgy. 151, Tondo, Maynila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Division, pasado alas-9:00 kagabi nang mangyari ang insidente sa bahagi ng Capulong Street.

Nakuhanan rin ng CCTV footage ang insidente, kung saan makikitang naglalakad ang matanda patawid mula westbound ng kalsada.

Binabaybay naman ng motorsiklo ang eastbound at pagdating sa tapat ng court ng barangay, nabundol nito ang tumatawid na matanda.

Sa lakas ng pagbangga, tumalsik ang senior citizen sa kalsada.

Naisugod pa sa ospital ang biktima na nagtamo ng iba’t ibang sugat at galos sa katawan pero idineklara ring dead on arrival.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung nakainom o mabilis ang patakbo ng rider at kanyang angkas, na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *