Naniniwala si Surigao del Norte Second District Representative Robert Ace Barbers na magdudulot ng kalituhan ang panukala ng Senado ukol sa paraan ng pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Malamig ang trato ni Barbers sa Resolution of Both Houses Number 6 na iniakda ni Senate President Juan Miguel Zubiri dahil duda siya kung saan ito papasok sa mode of amendment at malinaw na nakasaad sa Section 1, paragraph 1 ng Article 17 ang “3/4” ng lahat ng miyembro ng Kongreso.
Ito aniya ang sosolusyunan at lilinawin ng People’s Initiative bago simulan ang pag-amiyenda sa Saligang Batas.
Pangamba ng kongresista, kung ikokonsidera ang RBH 6 at maipapasa, maaaring kuwestyunin ang paraang ginamit ng Kongreso sa Korte Suprema.
Ibig sabihin, masasayang lang umano ang panahon at resources na ginugol para dito.
Kaya naman pinayuhan ni Barbers ang mga kasamahan na pag-aralang mabuti ang proposal ng Senado bago umarangkada.
Dapat umanong ipagpatuloy ang People’s Initiative upang malaman ang sentimiyento ng taumbayan ukol sa Cha-Cha.