Naniniwala si Senator Nancy Binay na kailangan muling mag-convene ang Committee of the Whole ng senado para silipin at balikan ang ilang isyu na may kaugnayan sa COVID-19.
Sinabi ni Binay na sa oras na magbukas na ang 19th Congress dapat balikan ang ilang mga pending issues katulad ng vaccination programs, access sa COVID-19 boosters, estado ng mga healthcare workers, health and pandemic statistics, exit plans at iba pa.
Kasabay nito umapela din ang Senadora sa publiko na magpaturok ng booster shot lalo na ngayong muling tumataas ang daily cases.
Nagpahayag naman ng suporta ang mambabatas sa hakbang ng gobyerno na paigtingin ang vaccination drive laban sa nakahahawang virus.
Ayon kay Binay sa ngayon, nakakaranas ng pandemic fatigue at vaccine complacency ang publiko.
Dahil umano sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 noong nakaraan, maraming mga Pilipino ang hindi na nag-iingat.