Plano ng Senado na gawing prayoridad sa pagbubukas ng ikatlong regular session ng 18th Congress ngayong araw ang mga panukala sa tax reforms at sa pagbuo ng Virology Institute of the Philippines na layon na gawing handa ang bansa mula sa mga pandemya sa hinaharap.
Binanggit ito ni Senate President Vicente Sotto III sa isang pahayag.
Bukod sa mga nasabing panukalang batas, ay sinabi ni Sotto na plano rin ng Senado na iprayoridad ang mga amendments sa Foreign Investment Acts (FIA), at sa Public Service Act, sa Package 4 ng Comprehensive Tax Reform Program at iba pa.

Ipinunto naman ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa parehong pahayag na tututukan rin nila ang pag pasa sa batas para sa modernisasyon ng Bureau of Fire Protection, sa Bangsamoro Autonomous Region and Muslim Mindanao (BARMM) Extension Law at iba pa.
Dagdag ni Zubiri, posible rin nilang talakayin ang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3, bilang stimulus package na nagkakahalaga ng P401-billion.
Mababatid na naaprubahan na ng House of Representatives ang stimulus package sa ikatlo at huling pagbasa noong June.