Japanese skateboarder, gumawa ng kasaysayan sa Olympics

Nakamit ng kinatawan ng Japan ang kauna-unahang ginto na ipinamahagi ng Olympics sa buong kasaysayan nito para sa skateboarding competition.

Kabilang ang skateboarding sa maraming bagong sports na ipinakilala ng Tokyo bilang bahagi ng kampanya ng International Olympic Committee para makuha ang interes ng mga kabataan.

Nasungkit ng Japanese world champion na si Yuto Horigome, 22-anyos, ang ginto sa ginanap na street competition para sa skateboarding.

Nakagawa si Yuto, na lumaki malapit sa Olympic venue, ng tatlong mahirap na tricks nang magkakasunod na dahilan para malampasan nito ang American favourite na si Nyjah Huston, na nagtapos sa ikapitong pwesto.

Inihayag ni Horigome na espesyal ang nakamit niyang tagumpay dahil ginanap ito sa Koto City, kung saan siya ay isinilang.

Mababatid na ang ginto ni Horigome, ay isa lamang sa apat na ginto na nasungkit ng Japan nitong Linggo.

Kabilang sa medal haul ng Japan ay nakuha nito sa Judo double, sa pamamagitan ng magkapatid na sina Uta at Hifumi Abe, na parehong nagwagi ng Olympic titles na isang oras lamang ang pagitan.

Nakuha ni Uta Abe ang gold sa women’s under-52kg category, matapos nitong talunin si Amandine Buchard ng France sa final habang natalo naman ng kaniyang kuya na si Hifumi ang Georgian judoka na si Vazha Margvelashvili sa under -66kg gold medal match.