Ipinasa na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukala na magtatatag ng departamento para sa overseas Filipino workers (OFWs) matapos ang mahigit anim na buwan mula nang mai-sponsor ito sa plenaryo.
Bago ang pag-apruba ng panukala sa second reading ay isinulong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pag-amyenda sa ilang bahagi ng Senate Bill 2234.
Kabilang na rito ang pagpalit sa pangalan ng ahensya sa Department of Migrant Workers mula sa Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF).
Ipinaliwanag niya na layon nito na malimitahan ang hurisdiksyon ng proposed department sa overseas employment at labor migration lamang.
Dagdag niya, sa pamamagitan ng pagbabago ng pangalan ay mananatili sa Department of Foreign Affairs ang otoridad nito sa iba pang mga Pilipino na naninirahan sa abroad.
