Inadopt ng Senado ang limang resolusyon na nagpapahayag ng pakikiaramay para sa pagkamatay ni dating pangulong Benigno Aquino III.
Ang nasabing measure ay inisponsoran ni Senator Joel Villanueva kasama sina Senate President Vicente Sotto III, Francis Pangilinan, Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Leila de Lima at Senate Minority Leader Franklin Drilon na nagsilbi bilang mga co-sponsors.
Sa sponsorship ni Sotto ay kinilala niya ang ilan sa mga polisiya ng administrasyong Aquino gaya nang pagbabawal sa wang-wang.

Ayon kay Sotto, ipinakikita sa nasabing polisiya na wala ang kahit sino ang maituturing na mas mataas kaysa sa batas habang isinusulong ang equality, fairness, at respeto sa batas.
Binigyang pugay rin sa Senado ang naging kontribusyon ni Aquino sa ekonomiya ng Pilipinas, kabilang na ang mga polisiya nito na nag-stabilize sa economic condition ng bansa, na dahilan para mabura ang bansag nito na “Sick Man of Asia”.
Kinilala naman ni Minority Leader Franklin Drilon ang pagsisilbi na may sinseridad at katapatan ng dating Pangulo, na kaniyang kapartido sa Liberal Party.
Ipinunto ni Drilon na marami sa mga landmark legislation na naipasa sa administrasyong Aquino ay resulta ng malakas na political will ng yumaong pangulo, at harmonious relations sa pagitan ng Kongreso at Ehekutibo tulad ng GOCC Governance Act, Responsibile Parenthood and Reproductive Health Act, Sin Tax Reform Law, Philippine Competition Act, at marami pang iba.