Idiniin ni Senate Committee on Ways and Means, Chairperson, Senador Win Gatchalian na dapat lang na ipa-deport na sa bansa si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Anya, maliban kase sa kadahilanang hindi ito Pilipino ay wala na rin itong Philippine visa na hawak upang manatili pa sa Pilipinas dahil nakansela na ito noong 2011.
Maliban pa roon, ipunto rin niyang marapat lang na bawiin na kay Guo ang Philippine passport nito dahil puro kasinungalingan naman daw ang naging basehan dito.
Maalalang ayon sa inilabas na dokumento ni Gatchalian mula sa Bureau of Immigration at Board of Investments, maaring iisa lang umano ang Chinese national na si Guo Hua Ping na pumasok noong 2003 sa bansa at ang nabanggit na alkalde.
Ibig-sabihin, kung totoo man ito ay hindi talaga Pilipino si Guo dahil ang nakalistang mga magulang niya rito ay parehong Chinese.
Bago ito – una nang sinabi sa panayam ng Brigada NewsFM Manila kay Atty. Stephen David, abugado ni Mayor Guo, na dapat ay sa tamang korte ipresenta ang naturang dokumento.
Muli ring umapela si David na dapat ay mabigyan sila ng patas na paglilitis para sa mga isyung kinahaharap ng alkalde.