Binigyang pugay ni Senador Christopher Bong Go ang mga sinauna at kasalukuyang mga bayani na nakipaglaban at patuloy na nakikipagtuos upang matiyak ang seguridad ng bansa.
Sa kanyang mensahe ngayong Araw ng mga Bayani, binigyan pagkilala ni Senador Go ang mga healthcare workers at iba pang Filipino na nakikipagbuno para labanan ang COVID-19 pandemic.
Tinawag ni Go ang mga frontliners bilang mga ‘present-day heroes’ o mga bayani ng kasalukuyang panahon.
“Kilalanin din po natin, sa araw na ito, ang pagsisikap at sakripisyo ng ating mga magigiting na health workers at frontliners ngayong panahon ng pandemya na silang nagmana sa kabayanihan ng ating mga ninuno,” pahayag ni Go.
Sinabi ni Go na dapat pahalagahan at pasalamatan ang sakripisyo ng ating mga bayani upang maging malaya ang ating bansa at mamuhay ng matiwasay ang mga mamamayan.
Umaasa naman ang mambabatas na magsisilbing inspirasyon ang katapangan, kagitingan at kahusayan ng ating mga bayani, noon hanggang ngayon, upang malagpasan ang kasalukuyang pandemya at maiangat hindi lang ang ating mga sarili kundi pati na rin ang bayan.
