‘Naguguluhan ako sa kanila’
‘yan na lang ang nabitawang salita ni dating Senate Committee on Accounts, Chairperson, Senadora Nancy Binay hinggil sa mga naging pahayag nina Senate President Chiz Escudero at bagong Senate Committee on Accounts, Chairperson, Senador Alan Cayetano hinggil sa karagdagang P23 bilyon na kinakailangan para matapos ang bagong gusali ng Senado sa Taguig City.
Anya, tila mali kase ang pahayag na ito dahil ang nabibid-out pa lang umano ay nasa P10 bilyon habang may karagdagang P10 bilyon ding pondo para rito bagamat wala pang nabi-bid out.
Ngunit sa kabila nito, nilinaw niyang bukas naman siyang suportahan ang anumang pagrerebyu sa pondo para sa bagong gusali.
Maliban pa roon, handa rin umano siyang humarap sa mga ito upang ipaliwanag ang mga nasabing pondo.
Alinsunod nito, tanging hiling niya ay magkausap sila habang dala-dala ang kanilang mga hawak na dokumento.
Maalala, kamakailan ay nilinaw ni Escudero na walang delay na maidadala ang isinasagawa nilang pag-aaral sa konstruksyon ng gusali dahil noon pa lang umano ay may delay na rito.