Nadatnan ng Quezon City Police District ang bangkay ng isang security guard na naka-duty sa isang car showroom na walang ulo.
Nakasubsob sa lamesa ang biktima na kinilalang si Alfredo Tabing nang matagpuan ng kasama nitong naka-duty na security guard.
Kaugnay rito, nadiskubre ng QCPD na wala sa crime scene ang ulo ni Tabing pero makikita ang tulo ng dugo patungo sa stock room.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, huling nakausap ng biktima ang kanyang misis alas-singko ng hapon at makalipas ang dalawang oras ay hindi na nito matawagan.
Ayon kay QCPD CIDU Criminal Investigation and Detection Unit Chief Police Major Dondon Llapitan, may dalawa hanggang tatlo pataas silang persons of interest (POI) dahil hindi raw kayang mag-isa na pugutin ang ulo ng isang tao.
Samantala, walang nakitang mga sugat at palatandaan ang mga pulis na nanlaban ang biktima.
