Umakyat na sa 18 ang bilang ng mga nasawi matapos ang pagsabog sa isang planta ng nickel-processing sa silangang bahagi ng Indonesia.
Nangyari ang aksidente Sabado ng umaga habang nagkukumpuni ang mga manggagawa sa isang furnace sa isang planta na pag-aari ng PT Indonesia Tsingshan Stainless Steel (ITSS) sa Morowali Industrial Park sa lalawigan ng Central Sulawesi.
Ayon kay Morowali police chief Suprianto, namatay ang mga indibidwal matapos makaranas ng paso sa higit sa 70 porsiyento ng kanilang mga katawan.
Walo sa mga biktima ay mga dayuhan at 10 ay Indonesia.
Idinagdag ni Suprianto na 30 katao ang patuloy na ginagamot sa ospital.
