“Secret anti-vaccine campaign” ng Estados Unidos, pinaiimbestigahan sa Kamara

Nanawagan ang Makabayan Bloc sa liderato ng Kamara na siyasatin ang tinaguriang “secret anti-vaccination campaign” ng gobyerno ng Amerika.

Inihain nina House Deputy Minority Leader France Castro, Gabriela Representative Arlene Brosas at Kabataan Representative Raoul Manuel ang House Resolution 1773 matapos mabahala sa kampanya ng Estados Unidos na layon umanong siraan ang China partikular ang Sinovac vaccines laban sa COVID-19.

Binanggit ng mga kongresista na nagdudulot ng takot o pagdududa sa kaligtasan at bisa ng Chinese vaccines ang ipinakakalat na impormasyon ng US na gumagamit umano ng pekeng social media accounts at ginagaya ang mga Pilipino.

Read More:  Ateneo Law Student Council expresses disappointment over Cayetano

Ipinunto ng mga ito na hindi maaaring balewalain ang epekto ng operasyong ito sa public health lalo’t mismong health experts na ang bumatikos sa kampanya dahil inilalagay sa panganib ang maraming buhay at may kontribusyon ito sa pagdudulot ng agam-agam sa bakuna.

Paliwanag pa ni Castro, marapat na alamin ang lawak ng pinsala ng secret campaign at panagutin ang mga responsable dahil isa ang Pilipinas sa mga target ng operasyon kaya tama lamang na protektahan ang soberanya at ang kalusugan ng mamamayan.

Read More:  Teachers’ Group again calls for proper implementation of education programs

Mahalaga aniya ang transparency, katotohanan at ethical conduct sa panahon ng global health crisis.

Mababatid na lumabas sa mga ulat na umiiral umano ang propaganda kung saan iginawad sa General Dynamics IT ang 493 million US Dollars na kontrata upang maghatid ng influence services kahit may internal review ang Pentagon noong 2021 na kumilala sa paggamit ng sloppy tradecraft at kakulangan ng oversight.