CAMARINES NORTE – Binigyang pugay ng pamunuan ng Department of Education sa lalawigan ng Camarines Norte ang mga kababaihang kawani nito partikular sa Division Office.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pagsaludo si Schools Division Superintendent Crestito Morcilla sa mga kababaihang kawani kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan.
Aniya, hindi matatawaran ang dedikasyon, passion at commitment ng mga ito sa paghubog ng kaisipan ng mga susunod na henerasyon.
Ang walang kapagurang pagsisikap aniya ng mga babaeng kawani ng Departamento sa paghubog ng mga murang kaisipan, pagpapanatili ng maayos na learning environment at pagpapalaganap ng educational excellence ay hindi maikukubli.
Ang mga ito aniya ang nagsisilbing ‘driving force’ sa likod ng pagbabago ng mga buhay, paghabi ng kaalaman at nagsisilbing inspirasyon para sa mga estudyante at katrabaho.
Sa gitna rin umano ng mga pagsubok ay nanatili ang mga itong nakatayo at hindi nagpapagapi.
Sa ginawa namang flag raising ceremony nitong Lunes ay isa- isang binigyang bulaklak ni SDS Morcilla ang mga babaeng kawani ng Division Office.
