CAMARINES NORTE- Nagbabala ang Department of Health hinggil sa panganib na maaaring idulot sa sanggol sa sinapupunan kapag ang isang buntis ay na-expose sa bata o pasyenteng mayroong Rubella.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Dr. Desiree Bricenio, National Immunization Program (NIP) Regional Medical Coordinator ng DOH Bicol, sinabi nito na delikado para sa isang nagdadalang tao na ma-expose sa pasyenteng may Rubella dahil posible itong maging dahilan ng pagkalaglag ng kaniyang ipinagbubuntis.
Kung hindi man umano malaglag ang bata sa sinapupunan ay pwedeng magkaroon ito ng depekto tulad ng pagkabingi, pagkabulag, sakit sa puso at iba pa.
“Kunyari yung kasama niyo sa bahay na bata nagkaroon pala po ng rubella, kahit po si Nanay wala po siyang naramdaman, hindi po siya nagkaroon ng rashes, pero yung bata po sa loob ng kaniyang sinapupunan ay yun po ang naapektuhan,” ani Bricenio.
Kaugnay nito ay hinimok ni Bricenio ang lahat na makiisa sa Measles Rubella Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA) 2023 na ilulunsad sa Camarines Norte simula May 2 ng taong kaslaukuyan.
Ang Polio, Rubella at Tigdas ay mga sakit na lubhang nakakahawa at nakakamatay para sa mga bata.
Walang gamot laban dito at bakuna lang ang tanging paraan para masiguro na ligtas ang bawat bata kontra Tigdas, Tigdas- hangin at Polio.
Ayon kay Bricenio nakakalungkot isipin na mayroon pang tamaan ng mga vaccine preventable diseases gayong available naman sa mga Rural Health Unit ang bakuna para dito at libre pa.
Sa MR OPV SIA bibigyan ng bakuna kontra Tigdas at Rubella (MR) ang mga batang 9 hanggang 59 months.
Bakuna kontra Polio (OPV) naman para sa 0 hanggang 59 months.
