CAMARINES SUR – Binubulabog pa rin hanggang ngayon ng sandamakmak na langaw ang Purok 3 at 4 sa Barangay Tinangis bayan ng Pili, Camarines Sur, tatlong linggo na itong nararanasan.
Ayon sa reklamong ipinaabot sa Brigada News FM Naga ng isang residente na taga purok tres ng nasabing barangay, hindi ito ang unang beses na dumami ang langaw sa kanilang lugar ngunit sa pagkakataong ito, mas dumami pa ang bilang nito. Tugma rin ito sa iniulat ng lokal na pamahalaan ng Pili noong nakaraang pagbisita nila sa barangay kung saan ilang residente na rin ang nagpaabot ng kanilang hirap na nararanasan dahil sa perwisyong dala ng maraming langaw sa dalawang purok.
Sa panayam naman ng BNFM Naga kay Arturo Bismonte, ang Punong Barangay ng Tinangis, ibinunyag nito na isang open compost pit sa isang poultry house ang dahilan ng sobrang pagdami ng langaw sa lugar. Katunayan, ilang taon ng maraming langaw sa lugar ngunit hindi nila sukat akalain na lolobo at dadami pa ito. Dagdag pa ng opisyal, ilang beses na nilang sinaway at binigyan ng penalty ang may -ari ng poultry house ngunit lagi itong nakikiusap.
Bilang solusyon, sinabi ni Bismonte na maghahain na sila ng petisyon sa Sangguniang Bayan upang ipasara ang nasabing poultry house dahil sa hindi pagsunod nito sa proper sanitation.