Samu’t saring mga patalim at mga cellphones ang nakumpiska ng mga awtoridad sa ikinasang Oplan Galugad sa mga selda sa Batangas Provincial Jail sa Batangas City.
Ayon sa pamunuan ni Provincial Warden, OIC Atty. Genaro Cabral, kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ay mga kutsilyo, bolo, lagari, gunting, pamalo at ilang improvised deadly weapons.
Maliban dito ay nakuha rin sa ilang mga selda mga cellphones, sim cards, cellphone accessories, baraha, flashdrive, posporo at mga pera.
Mula sa 11 selda, anim sa mga ito ang nakuhanan ng naturang mga gamit na kinabibilangan ng selda 1,3,4,5,6 at 7.
Wala namang nakumpiskang iligal na droga o anumang iligal na gawain sa loob ng mga selda.
Ang surpresang paggagalugad ay ikinasa ng Batangas PNP katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at iba pang mga law enforcement unit.
Layunin nitong mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa loob ng provincial jail at masigurong walang nakakalusot na mga iligal na droga o mga kontrabando sa mga inmates.
Ito na ang pinakaunang Oplan Galugad na isinagawa sa naturang provincial jail magmula ng pumutok ang COVID-19 matapos na temporaryong ipinatigil sa loob ng dalawang taon.
Samantala, inihayag naman ni Cabral na siksikan o overcrowded ngayon ang provincial jail at umaabot na sa kabuuang 1,307 ang bilang ng mga inmates.
Ito umano ay lagpas sa ideyal na kapasisad na mahigit sandaan lamang.
Ngunit malaki naman umano ang tiyansang makalipat na ang ilang inmates sa bagong provincial jail sa Ibaan, Batangas.