Sampu katao mula sa Camarines Sur na kinabibilangan ng dalawang menor de edad arestado dahil sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Mercedes

CAMARINES NORTE- Arestado ang sampu katao kabilang na ang dalawang menor de edad dahil sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Mercedes, Camarines Norte mahigit walong kilometro ang layo mula sa Barangay Lalawigan, kamakalawa ng hatinggabi.

Nahuli sa akto ng mga tauhan ng Bantay Dagat ang hindi pinangalangang mga suspek na iligal umanong na nangingisda sa naturang bahagi ng karagatan lulan ng bangka na ang palakaya ay galadgad o Norway.

Ayon sa Bantay Dagat task force ang mga nahuli ay pawang mga taga Sabang Calabanga Camarines Sur.

Pangalawang beses na umano ang mga itong nahuli kung saan narekober ang ilang mga fishing paraphernalia gaya ng  isang set ng wooden board, mga lubid at trawl net.

Ikinustodiya pansamantala sa Mercedes Municipal Police Station ang mga nahuling personahe gayundin ang mga nasabat na kagamitan sa pangingisda.

Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998 at sa umiiral na ordinansa sa naturang municipalidad.

Dati nang nagbabala ang LGU sa mga iligal na mangingisda na huwag itong gawin sa Mercedes dahil tiyak na mahuhuli ang mga ito.