New Delhi, India— May kasabihan na “A lady’s hair, is her crowning glory.” Nangangahulugan ito na para sa mga kababaihan, ang kanilang buhok ay may mahalagang papel sakanilang pagkatao bilang isang babae.
Kaya naman sa New Delhi sa bansang India, pinagbabayad ngayon ng Indian court ang isang salon matapos umano itong magkamali ng gupit o hair trim sa isang babaeng modelo na kinilalang si Ashna Roy.
Batay sa report, taong 2018 nang magpasya si Roy na magpa trim ng kanyang buhok sa isang luxury hotel hair salon sa New Delhi.
Ang kanyang utos, bawasan lamang ang kanyang buhok ng 4 inches mula sa kanyang hair tip ngunit nagkamali ang hair dresser at ginupitan nang sobra ang kanyang buhok hanggang sa 4 inches na haba na lamang ng buhok ang natira sakanya.
Dahil sa insidente, nagkaroon ng ‘severe nervous breakdown and trauma’ ang babae kung kaya’t naapektuhan din ang kanyang career bilang isang modelo. Maraming projects ang hindi niya natanggap lalo na at karamihan sa mga ito ay pag e-endorse ng mga hair products.
Batay sa naging desisyon ng korte at imbestigasyon na isinagawa ng National Consumer Disputes Redressal Commission, labis na nakaapekto sa modelo ang kanyang sinapit at ang pagkakamaling ito ng salon ay nagdulot ng maraming negatibong bagay sa babae partikular sakanyang lifestyle at career.
Bunsod nito, pinagbabayad ng korte ang salon ng 20 million rupees o katumbas ng P13.8 million sa complainant, ngunit maaari pa rin naman itong umapela sa nasabing hatol.### JUMEL DELA ROSA