SORSOGON CITY – Ililipat sa mas malaking pasilidad sa Brgy San Vicente, Oas, Albay ang Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) ng DSWD-Bicol.
Ito ang inihayag ng Center Head na si Lyndra Villareal sa lokal na midya ng Sorsogon nang magkaroon ng Media tour sa nasabing pasilidad.
Ang RRCY ng DSWD ay kasalukuyang matatagpuan sa residential area sa Brgy. Pangpang, lungsod ng Sorsogon na may 45 bed capacity lamang.
Ang paglipat sa bagong lugar ay bunsod ng mga reklamong natanggap mula sa mga residente ng Barangay Pangpang dahil sa naobserbahang gawi ng mga batang sumasailalim sa rehabilitasyon.
Ayon pa kay Villareal, ang bagong RRCY ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Provincial Local Government Unit ng Albay at DSWD.
Pinaglaanan ito ng ahensya ng P150M na pondo para maitayo sa dalawang ektaryang lupain ng PLGU-Albay sa ilalim ng Usufruct Agreement ng DSWD.
Dagdag pa ni Villareal, wala pa silang ‘go-signal’ kung kailan sila lilipat dahil sa kasalukuyan, ang nabanggit na gusali sa Oas, Albay ay pansamantalang ginamit bilang Covid-19 facility.
