SORSOGON CITY – Inumpisahan na nga ang paggulong ng Ronda Pilipinas 2022 sa lalawigan ng Sorsogon.
Taong 2020 nang huling ganapin ang nasabing karera sa mismong lalawigan kung kaya’t ngayong taon ang pangalawang beses nitong naging host.
Eksaktong alas 8:00 kaninang umaga, Marso 11 ang kick off ng Stage 1 – Individual Time Trial na umikot lamang sa loob ng Sorsogon City ang bawat miyembro ng 13 teams.
Binuno ng aabot sa 130 kalahok na isa-isang inikot ang higit 12 kilometrong patag na daan sa pangkalahatan.
Sa hapon naman ang Stage 2 – Team Time Trial kung saan aabot sa 60 kilometro ang layo at babaybayin mula Sorsogon City papuntang mga bayan ng Casiguran at Gubat at pabalik ng lungsod.
Bukas, Marso 12 ang Stage 3 – Massed Start at huling araw sa lalawigan.
Magsisimula ang karera nang ganap na alas 9 ng umaga at tutumbukin nito ang Legazpi City. Mayroong 10 stages ang laro na magtatapos naman sa Baguio City.
