SORSOGON CITY – Nahaharap na sa kaukulang asunto ang suspek na matapos na makipagkarera ay binangga pa ang isang bangka hanggang sa tumaob ito sa karagatan na sakop ng bayan ng Mandaon, Masbate.
Sa pahayag sa Brigada News ng imbestigador ng nasabing kaso na si PSSgt Antonio Clemente Jr., inihain na nila noong Huwebes, Marso 10 ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide sa suspek na si Edwin Ribot Rufo, 28-anyos.
Ayon dito, kusang sumurender sa kanilang himpilan ang suspek kung kaya’t isinampa nila ang kaso sa pamamagitan ng ‘regular filing in court.’

Batay sa ulat, ang pamilya ni Rey Dequino na kinabibilangan ng kanyang asawa na si Mary Ann de los Reyes kasama ang kanilang 2-anyos na anak na si Rea Mae at 3-anyos na pamangkin ay galing umano sa Brgy Maolingon para magbenta ng alimango.
Nang pauwi na ang mga ito sakay ng bangka ay nalagpasan nila ang isang bangka na may sakay na isang lalaki.
Sa hindi inaasahan ay hinabol sila nito na parang nakipagkarera at nang mahabol nga ay binangga sila nito.
Tumaob ang bangka at naipit sa ilalim ang biktima habang ang mag-asawa at batang pamangkin ay nakakapit agad sa tumaob na bangka.
Naitakbo pa ang biktima sa Mandaon Community Medical Hospital subalit idineklara ito ng sumuring doktor na wala ng buhay.
Samantala, itinanggi naman ng suspek na nasa impluwensiya siya ng alak nang mangyari ang insidente.