SORSOGON CITY – Aabot sa 15 oras nawalan ng kuryente ang dalawang barangay dahil sa nangyaring aksidente sa kalsada sa Sorsogon City.
Pasado alas 9:00 ng gabi, Abril 7, nang mawalan ng kontrol ang isang winged van na minamaneho ni Nicanor Dayson Austria, 34 anyos, residente ng Brgy. Rizal, West District, kasama ang pahinante nitong si Alvin Aguilar Gabito, 25 anyos, residente ng Brgy. Cambulaga lungsod ng Sorsogon.
Kasama ng pagkawala ng kuryente sa mga barangay ng Capuy at Salvacion, ang pagkaputol din ng mga kable ng internet ng dalawang telecommunications company sa lungsod.
Ayon sa report, mabilis umano ang naging pagpapatakbo ng driver, dahilan para mawalan ito ng kontrol sa madulas at pakurbadang daan.

Nanggaling sa Brgy. Cambulaga papunta sanang Brgy. Rizal ang driver at pahinante at binabaybay ang kahabaan ng Maharlika Highway sa bahagi ng Brgy. Capuy nang mangyari ang aksidente.
Tumawid papuntang kabilang lane ang truck at dito binangga ang mga poste ng kuryente at telco, kung saan nahati pa ang mga ito sa dalawa.
Umikot pa ang naturang sasakyan bago tumilapon sa katabing sakahan.
Nagtamo ng sugat at danyos sa katawan ang driver at pahinante nito na agad na nalapatan ng pangunang lunas bago dalhin sa ospital.
Bago magtanghali ay naibalik na ang serbisyo ng kuryente habang patuloy ang repair at restoration ng mga kable ng internet, na inaasahang matatapos din ngayon araw, Abril 8.