Itinuturing na tagumpay ni Senadora Risa Hontiveros ang ginawang pagsasampa ng kasong katiwalian ng Office of the Ombudsman sa dose-dosenang opisyales at personnel ng Bureau of Immigration.
Matatandaang si Hontiveros ang chairman ng Senate Committee on Women, Children, and Family Relations – ang kumiteng nag-imbestiga at nagsiwalat sa modus na ito.
Ayon sa Senadora, tagumpay itong maituturing ng mga biktima ng human trafficking kabilang na ang mga naglakas loob na isiwalat ang kalakarang ito at tumestigo sa pagdinig ng Senado.
Dagdag pa ni Hontiveros, napatunayang malaki talaga ang naitutulong ng mga idinaraos na Senate hearings para mabulgar ang mga katiwalian sa gobyerno kaya naman katuwang ng estado ang Mataas na Kapulungan para mapanagot ang mga dapat managot sa usapin ng kurapsyon.
Samantala, umapela naman ito sa tangapan ni Ombudsman Samuel Martires na ilonsidera si Jeffrey Dale Ignacio, Immigration Officer, na ikunsidera bilang whistle blower.
Mababatid na sa imbestigasyon ng Senate panel, lumabas na tumatanggap ng lagay ang ilang personnel na nakarolyo sa papel na parang pastillas.
#