Ikinabahala ni Senate Committee on Public Services, Chairperson, Senador Raffy Tulfo ang mga natatanggap niyang hinaing mula sa mga pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Lumalabas kase na marami sa kanila ang hindi nakakaabot sa kani-kanilang scheduled flights dahil sa mga delays sa airport e-gates scanners, mahabang pila sa immigration screening o di kaya ay mga hindi gumaganang escalators, walkalators, carousel at maging mga tubes.
Kaugnay nito, ipinunto niyang hindi dapat ang mga pasahero ang nagbibitbit ng mga ganitong abala dahil karagdagang gastos din sa mga ito ang pagre-rebook ng kanilang missed flights.
Alinsunod nito, inihain na sa Senado ni Tulfo ang Senate Resolution No. 1069 na naglalayong paimbestigahan ang mga problemang ito na nararanasan ng mga pasahero ng NAIA.
Samantala, nanawagan naman din ang senador sa mga awtoridad ng paliparan na maglagay ng mga signages sa Arrival at Departure areas ng airport terminals upang mapaalala sa mga pasahero ang kanilang karapatan sa kaso ng missed flights dahil sa immigration o boarding problem.