LEGAZPI CITY – Posibleng aabutin na lamang ng anim na araw ang natitirang relief goods ng Pamahalaang Panlalawigan ng Albay na ipapamahagi sa mga inilikas dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Ito ay kinumpirma ni Provincial Social Welfare Development Officer Maria Vivien Cea, kung saan sinabi niya na ang mga lokal na pamahalaan ng bawat mga bayan ay mayroon nang mga relief goods na kaya na lamang makapag-supply sa loob ng 3 araw.
Habang ang iba naman, aniya, ay kaya pang umabot ng dalawang linggo at sa Ligao City naman ay dalawang buwan.
Ani Cea, ang ilang sa mga LGUs ay mayroong mga relief goods na direkta mismo sa kanila ibinigay mula sa iba’t ibang mga pribado at pampublikong kumpanya, organisasyon at ahensya.
Sa oras umano na kulangin, una na ring sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na may mga nakahanda pa silang tulong sa mga bakwit.
Sinabi rin naman ni Gov. Edcel “Grex” Lagman na sa kabila ng pagkaubos ng pondo ng quik response fund, nakaka-survive pa naman ang lalawigan dahil rin sa mga donasyon na patuloy na natatanggap.