LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Securities and Exchange Commission (SEC) Bicol na mas dumami ang mga kaso o nabibiktima ng investment scams sa rehiyon simula noong taong 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay SEC Bicol Regional Director, Atty. Norma Tan Olaya, sinabi niyang wala silang gaanong natatanggap na reports sa nasabing kaso noong mga panahon bago ang nasabing taon.
Ito umano ay marahil mas mahigpit ang kanilang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa investment scams, kung kaya’t mas nakakampante ang publiko na magreport agad kung nabibiktima sila nito.
Binigyang-diin naman ni Olaya ang ilan sa mga senyales na ang isang inaalok na investment ay maaaring scams ay ang pagiging “too good to be true” o ang pagiging madalian ng kita o pera nang wala ibang gagawin.
Aniya, isa rin sa mga senyales nito kung paulit-ulit na sinasabing sigurado ito at hinding-hindi malulugi.
Sinabi rin niya, mayroon dapat silang maipakitang permit sa pagbibigay ng investment contracts sa publiko.
Kung mayroon umanong pag-aalangan, huwag magdadalawang-isip na lumapit sa kanilang tanggapan dahil maaari naman nila itong i-check o beripikahin dahil mayroon silang records ng mga lehitimo at rehistradong investments.