Hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) na ayusin ang Magat Dam.
Sa naging pananalita ng Pangulong Marcos sa pagpapasinaya ng 65.77 million pesos na Cabaruan Solar-Powered Irrigation Project (SPIP) sa Brgy. Cabaruan, Quirino, Isabela noong Lunes, sinabi nito na nagkaroon na sila ng pag-uusap ni NIA Administrator Eduardo Guillen na ayusin ang Magat Dam at kailangang isailalim sa rehabilitasyon ang mga pasilidad dito.
Naipatayo ang Magat dam noong 1975 at dito nanggagaling ang patubig sa 85,000 na ektarya ng palayan sa Lambak Cagayan ana kayang lumikha ng 540 megawatts hydroelectric power.
Gayunpaman, namemeligro ang Dam dahil sa patuloy na siltation, sedimentation, slash-and-burn farming, illegal logging, at fish caging.
Maliban sa modernisasyon ng Magat Dam, ipinag-utos din ng Pangulo na pag aralan ng NIA ang iba pang mga irrigation assets sa bansa na hindi lamang nakapagbibigay ng patubig sa mga sakahan kundi nakapagbibigay din ng kuryente.