CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na regular nilang minomonitor ang mga establisymento sa lalawigan ng Camarines Norte upang masigurong walang pagsasamantala sa presyo ng mga prime at basic commodities
Kasunod yan ng naitalang pagtaas ng presyo sa mga produktong madalas na binibili ng mga consumer tulad ng canned sardines, powdered milk, noodles, kape, asin at processes canned meat and canned beef, condiments, laundry/detergent soap, toilet soap at baterya.
Ayon kay Alvin Sayno, Consumer Protection Division Head ng DTI Camarines Norte hindi dapat lalagpas sa sampung porsiento ng Suggested Retail Price ang pwedeng itaas sa mga produkto
“Kung mas mataas sa ten percent, pwede pong maisyuhan na natin sila mabigyan na natin ng violation as to overpricing po kasi yun nga po base po dun sa price cap,” ani Sayno
“Ang suggested retail price ay ginagamit natin na guide para sa pagpi- presyo ng produkto lalong lalo na po yung mga tindahan na nasa sentro ng isang lugar, yung nasa merkado po, ayan po dapat sila sumusunod sila dun sa atin pong Suggested Retail Price, kaya po dun sa ginagawa natin na continuous na monitoring yan naman po mainly ang pino- focus natin, ano ang mga deviation sa presyo nitong mga tindahan at kung gaano kalaki nag increase nila.”
Nasa 53 establishment sa Camarines Norte ang regular na minomonitor ng DTI.
Lingguhan ang ginagawang monitoring sa Daet habang buwanan naman sa mga bayan ng Labo, Jose Panganiban at Sta Elena na bahagi ng tinatawag na economic growth centers.
Wala rin umanong pangangailangan sa ngayon na mag convene ang Provincial Price Coordinating Council dahil hindi naman lokal ang usapin ng pagtaas kundi pang buong bansa.
Nangyayari lang umano ito kung mayroong hindi makatuwirang pagtaas ng presyo ng bilihin sa isang partikular na lugar.
