SORSOGON CITY – Naaresto ng mga operatiba ng Masbate Police Provincial Office katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa tulong ng Lipa City Police Station ang Top 2 most wanted ng rehiyong Bicol sa Lipa City, Batangas.
Nakilala itong si Ricky Canezal Espartina, 36-anyos residente ng Purok Centro, Brgy Igang, Masbate City.
Sa ulat, naaresto ang akusado umaga nitong Huwebes sa kanyang pinagtataguan sa Brgy. Mataas na Lupa sa Lipa City.
Si Espartina ay nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang 3 counts of sexual assault na may piyansang P200,000 bawat kaso; 3 counts of Lascivious Conduct na may inirekomendang piyansang P200,000 bawat kaso at 3 counts of qualified rape na walang itinakdang piyansa.
Nasa kostudiya na ito ngayon ng CIDG Masbate Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Regional Director PBGen. Mario Reyes patuloy na makikipagtulungan ang PNO Bicol sa ibang ahensya at unit laban sa kriminalidad upang mahanap ang mga nagkasala at dalhin sa korte.
