Isinusulong ni Davao City First District Representative Paolo Duterte ang panukalang batas na layong gawing “mandatory” ang pagsasailalim sa random drug testing ng lahat ng elected public officials.
Batay sa House Bill 10744 na inihain ni Duterte, kasama ang pangulo ng Pilipinas sa oobligahin na magpa-drug test kada anim na buwan gamit ang hibla ng buhok at ihi para sa mas “accurate” na resulta.
Saklaw din ng panukala ang mga appointed officials sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ang mga kandidato naman sa electoral posts ay pinasasailalim sa random drug testing sa loob ng siyamnapung araw bago ang araw ng halalan.
Nakapaloob sa panukalang batas na ang awtorisadong drug testing ay gagawin ng alin mang government forensic laboratories o drug testing lab na accredited ng Department of Health.
Ang hibla ng buhok ay gagamitin sa screening test habang ang urine drug test ay para sa confirmatory test.
Ipinaliwanag ni Duterte na bilang mga elected at appointed officials na nagpapatupad ng mga inisyatiba kontra drug abuse ay mandato nila na pangunahan ang pagkakaroon ng buhay na may integridad kaya hindi dapat sila gawing exempted sa random drug test.
#